KAHALAGAHAN NG PAGGAMIT NG WIKANG FILIPINO SA ASIGNATURANG AGHAM SA SEKONDARYA NG POTIA NATIONAL HIGH SCHOOL

Ang pananaliksik na ito ay naglalayong talakayin ang kahalagahan at paggamit ng wikang Filipino sa asignaturang agham. Ginamit ang kwantitatibong pamamaraan upang matukoy kung gaano kadalas ginagamit ng mga mag-aaral and wikang Filipino sa talakayan sa asignaturang agham, ano ang pagkakaiba ng mga mag-aaral sa bawat baitang sa kadalas na paggamit ng wikang Filipino sa talakayan, gaano kahalaga ang paggamit ng wikang Filipino sa talakayan sa asignaturang agham ayon sa mga mag-aaral, at ano ang pagkakaiba sa kahalagahan ng paggamit ng wikang filipino sa talakayan at pagkatuto ng mga mag-aaral mula sa ika-7 baitang hanggang sa ika-10. Sa lumabas na pag-aaral ay napag-alamang madalas ay minsan lang ginagamit ang wikang Filipino sa talakayan base sa pangkalahatang mode na 11. Kaugnay nito, natukoy na walang pinagkaiba sa kung gaano ito kadalas gamitin ng bawat baitang base sa p-Value nitong 0.321. Ang paggamit ng wikang Filipino ay minsan mahalaga base sa kabuuang mode nitong 10. Kaugnay nito, natukoy na minsan ay mas mahalaga ang paggamit ng wikang Filipino ng mga baitang 7 kumpara sa baitang 8,9, at 10 base sa p-Value na 0.005. Sa pag-aaral, malinaw na natukoy na minsan lang ginagamit ang wikang Filipino at minsan lang din itong mahalaga sa talakayan sa asignaturang agham. Habang patuloy na nag-aaral ang mga eksperto at nagbabago ang pananaw ng mga tao tungkol sa wikang Filipino, mahalagang patuloy na bigyang-pansin ang pagpapakalat at pagpapahalaga sa wikang ito bilang pambansang wika ng Pilipinas.